Sunday, June 3, 2012



Stop Implementation of PNoy’s K12-Phase2!
Prioritize Implementation of Quality Kinder Education!
Immediately Address Shortages of Teachers, Classrooms & Facilities!
Upgrade Salaries of Teachers & Increase Base Pay of Employees!
Provide Greater Education Budget, 6% of GDP Now!


27 May 2012

Malaganap na kalituhan, kaguluhan, disoryentasyon at diskuntento ang umiiral ngayon, isang linggo bago magpasukan, sa hanay ng mga guro sa buong bansa, pati na rin sa hanay ng mga estudyanyante, magulang at administrasyon ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic pati na rin sa tertiary education.

Ito ay dulot ng pagmamadali, pwersahan at iresponsableng pagpapatupad ng DepEd at ni PNoy ng K12-Phase2 ngayong taon kahit wala pa itong batas, walang kurikulum, walang kahandaan, walang pondo at malaki pa ang shortages sa bilang ng mga teachers, classrooms at sanitation facilities.

Palpak at disaster ang partial implementation ng Kinder Program

Nitong nakaraang taon, SY2011-12, ay pwersahan ding pinatupad ng DepEd at ng Malacanang ang tinuran nitong “universal kinder program” kahit wala pa itong batas; walang matinong kurikulum; walang pag-aaral, pagsasanay at paghahanda; walang sapat na bilang ng teachers, classrooms, chairs, textbooks at sanitation facilities; at walang pondo.

Kaya naman nagmistulang mga basang sisiw ang mga mahigit sa 1 milyong batang kinder at nagdusa naman ang libo-libong volunteer teachers na kinontratang tumanggap nang P3000-P6000 allowance lamang sa pagtuturo ng kinder, delayed pa.

Nang magreklamo ang mga teachers, students at parents sa pamumuno ng ACT hinggil sa palpak na pwersahang pagpapatupad ng “universal kinder program”, ang napakairesponsableng sagot lamang ng DepEd at ng Malacanang sa mga guro, bata at magulang ay wala pa raw kasing batas kaya wala pang pondo para sa “universal kinder program.”

Mas malaking kapalpakan at disaster ang implementation ng K12-Phase2

Ganito na naman ang nangyayari ngayong SY2012-13. Muli na namang nagyayabang ang DepEd at Malacanang sa iresponsable, pwersahan at madalian nitong pagpapatupad ng K12-phase 2, at ngayon ang kawawang mga biktima naman ay mga Grade 1 at first year high school teachers and students.

Hindi na natuto ang DepEd at ang Malacanang sa palpak na pagpapatupad nila sa K12-phase1 o “universal kinder program”,  kaya tiyak palpak na naman sila sa pagpapatupad ng K12-phase2. Tiyak na mas malaking disaster kaysa sa nakaraang taon ang nag-aabang sa mga teachers, students at mga magulang ngayong pasukan.

Ngayon pa lang, isang linggo bago ang pasukan, ay malaking kalituhan at kaguluhan na ang dulot ng adelentadong pagpapatupad ng K12-phase2 sa hanay ng mga teachers na nitong huling linggo ng Abril lamang sinimulang isalang ng DepEd sa trainors’ training ng K12.

Malaganap na kalituhan, kaguluhan, disoryentasyon at diskunteto sa K12

Sandamakmak ang mga katanungan, kalituhan at kaguluhan. Bakit wala pang batas ay pinapatupad na ang K12? Bakit walang K12 kurikulum? Nasaan ang mga teksto, module at lesson plan? Paano ituturo ito?

Bakit sisimulan na ang K12-phase2 sa Grade1 samantalang ngayong SY2012-13 pa lamang sisimulan ang pormal na mandatory universal kinder program ayon sa batas nito bilang K12-phase1?

Bakit sisimulan na rin ang K12-phase2 sa “Grade 7” o “1st year Junior high school” samantalang nasa lumang grade school kurikulum pa ang mga graduates nito na magiging incoming first year highschool? Bakit tumalon na agad sa high school ang K12 kurikulum samantalang wala pa namang K12 kurikulum sa grade school? Mababawasan ba o madadagdagan ang oras ng pag-aaral at pagtuturo sa isang araw?

Ano naman itong mother-tongue/multi-language? Panibago ba itong subject? Paano ito gagamitin? Paano ito ituturo?

Ano na ang laman ng Senior high school? Kung ituturo na sa dalawang taong Senior high school ang general education sa unang dalawang taon sa college, ano na ang ituturo sa unang dalawang taon sa college? Sino na ang magtuturo sa Senior high school, mga college instructors at professors? Tatanggalin na ba sa college ang P.E. subjects at ililipat na lang ito sa Senior high school?

Ano ang mangyayari sa SY2016-17 at SY2017-18 kung saan walang magiging senior high school graduates kaya wala ring papasok sa college bilang mga freshies? Sakop at saklaw ba ng K12 ang mga private schools? Ano ang magiging kurikulum sa kolehiyo?

Napakaraming katanungan at ang bawat kasagutan kung meron man ay nag-aanak pa ng mas maraming katanungan, kalituhan, kaguluhan, disoryentasyon at diskuntento. Ito na mga senyales ng magaganap na mas malalang kapalpakan at disaster ngayong pasukan dahil talagang napaka-amateur, unprofessional, pwersahan, iresponsable at atat na atat na nagmamadaling pinapatupad ng DepEd at ng Malacanang ang K12 na wala pa namang batas, pondo, laman at kahandaan!

Mga Kagyat na Panawagan at Kahilingan

Kung talagang seryoso ang DepEd at ang Malacanang sa pagreporma ng edukasyon, dapat nitong unahin muna ang pag-atupag sa pagpapatupad at pagpapaunlad ng quality kinder education program na naisabatas nitong Enero 2012 lamang, samantalang wala pang batas ang K12!

Kailangan din munang unahin ang pagpuno at pagresolba sa krisis sa shortages ng teachers, classrooms, sanitation facilities, textbooks, instructional materials, at ang pagdoble ng badyet sa MOOE ng mga paaralan; ang pagsasabatas at pagpapatupad ng salary upgrading ng mga teachers (SG15) at instructors (SG16) at P6,000 dagdag sa base pay ng mga kawani; at, ang paglaan ng malaking badyet sa edukasyon na di bababa sa UN standard 6% of GDP.

Kaya ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ay nananawagan sa DepEd at kay PNoy mismo na:

1.      Ihinto na ang pagpapatupad ng ikalawang yugto ng K12 ngayong SY2012-13.

Isalang pa ito sa mas seryoso, mas komprehensibo at mas depenidong pag-aaral, pagbabalangkas at paghahanda batay sa mas malalim at mas komprehensibong pagsusuri at pagtukoy ng mga pundamental na suliranin ng sistema ng edukasyon sa partikular at ng sistema ng lipunan sa kabuuan.

At huwag ibatay ang anumang reporma sa edukasyon ng ating bansa nang basta-basta na lang ayon sa pag-aaral at panukala ng mga foreign-business institutions & corporations tulad ng SEAMEO-Innotech, Washington Accord at Bologna Process.

Kailangang magsilbing pananaw at balangkas natin ang pagtataguyod ng isang edukasyong makabayan, siyentipiko at makamasa na magsisilbi sa pagtataguyod ng pagtatatag ng bansang may tunay at ganap na kalayaan, demokrasya, katarungan, kaunlaran, kasaganahan at kapayapaan.

Kailangang magbuo ng isang Komisyon na may buong kredibilidad, awtoridad at pondo upang maisagawa ang lahat na ito.

2.      Pagtuunan at pagbuhasan muna ng buong panahon, pondo, rekurso at paghahanda ang pagpapatupad at pagpapaunlad ng Quality Kinder Education bilang pundasyon ng basic education ng kabataang Pilipino.

a.      At least 30,000 new regular teaching items para sa kinder; iayon sa pasweldo ng SSL3; hindi dapat kontraktwal at volunteer; may sapat at angkop na kwalipikasyon sa pagtuturo ng kinder
b.      Teacher Aide per class na siyang maaaring ituring na “volunteer”;
c.      25 kinder students per class
d.      Sa mga Grade 1 teachers at iba pang non-kinder teacher na pagtuturin sa kinder, dapat iayon sa magna carta ang additional compensation
e.      Sapat na bilang ng classrooms at sanitation facilities
f.        Kalidad na curriculum/teaching & study guide/training/textbooks/instructional materials

3.      Punuan at iresolba muna ang krisis sa shortages sa bilang ng mga teachers, classrooms, sanitation facilities, textbooks, instructional materials, atbp. Doblehin ang budget sa MOOË ng mga paaralan.

4.      Isabatas at ipatupad muna ang Salary Upgrading ng mga Teachers (SG15) at Instructors (SG16), at dagdagan ng P6,000 ang base pay ng mga kawani.

5.      Maglaan muna ng malaking badyet sa edukasyon na hindi bababa sa UN Standard 6% of GDP.

1 comment:


  1. UTANG INVESTMENT OPPORTUNITIES:

    Kailangan ba ninyo ng isang Utang? Interesado ka ba sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pautang? O kaya huwag mag-alala ka financially ?. Mayroon ba kayong isang utang upang bayaran? Bigyan kami ng mga pautang sa anumang bahagi ng mundo. Ang aming loan interest rate ay 3% sa bawat annul ang negotiated duration anuman ang lokasyon o credit status. Upang makakuha ng isang loan ngayon makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng kumpanya email address sa: potterscredit@yahoo.com

    TANDAAN: Bigyan kami ng out ang minimum ($ 3000 / €) para sa isang pinakamataas na (300,000.000 $ / €) E.T.C. Credit Requests dapat na ipinahayag sa US DOLLARS OR EURO, at anumang iba pang gamit na MONEY.

    Makipag-ugnayan sa: potterscredit@yahoo.com: sapagka't ang inyong Utang ngayon, kami ay handa upang maghatid sa iyo namin.

    Salamat sa iyo habang hinihintay namin ang iyong mabilis Tugon.
    James Potter Loans Limited
    E - Mail: potterscredit@yahoo.com

    ReplyDelete